Kanina, habang nasa jeep pauwi sa boarding house, naisip ko, ay naku, para mag-survive sa buhay na 'to, dapat handa kang madisappoint. Na matanggap mong ang nangyayari sa buhay mo ngayon, o nangyari na, ay sobrang layo sa gusto mo sanang mangyari para maging masaya ka.
Nung mas bata pa ko, naisip ko, nakakasama rin pala ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga ideyal na bagay. Dapat ang karanasan ng isang bata habang lumalaki ay ganito. Dapat ang pamilya ay ganito. Dapat ang isang babae ay ganito. Dapat. Dapat. Dapat. Panay ideyal. Akala mo tuloy, pag ang layo ng nangyayari sayo sa sana'y dapat, may mali--sayo, sa buhay mo, sa mundo, sa lahat.
Siguro nga may mali. Pero dapat yata tinuro din na napakaraming beses na malayo sa ideyal ang totoong buhay.
At sana mas maaga kong natutunang ok lang pala yun. Ganyan ang buhay. Hindi perpekto. Di kasalanan ni God. Di ko kasalanan.
Oo, may mga "dapat," may mga itinuturing tayong ideyal na sitwasyon at kondisyon. Pero di ganun ang buhay. At ok lang.
Naniniwala rin naman akong may mga sitwasyon na makakabuting sikapin mapag-inam pa ang isang kalagayan, lutasin ang isang problema.
Pero naniniwala rin akong normal lang na "abnormal" ang buhay. Madalas. At ok lang yon. At kasabay siguro ng pagtuturo ano ang "dapat" o ideyal, sana may paraan para maituro rin pano mo tatanggapin, at ano ang gagawin mo, kapag napakalayo ng karanasan mo sa sinasabi nilang "dapat."
Malayo sa "dapat" ang ilang aspeto ng buhay ko. Daanin na lang natin sa buntong hininga ang mga bagay na yan. Wala na kong magagawa. Gagawin ko na lang ang alam kong tama.
Siguro naman, mas marami pang masasayang surpresa ang buhay.
No comments:
Post a Comment