Wednesday, April 20, 2011

Food: Chicharon ng Sta. Maria, Bulacan

Dalawang oras pa lang ang nakalilipas mula nakauwi ako sa boarding house galing sa field visit namin sa Sta. Maria, Bulacan para sa isang research study. Katatapos ko pa lang kumain ng tanghalian, sinangag, pritong hipon (na di ko naubos nung hapunan kagabi), at chicharon galing Sta. Maria. Nalalasahan ko pa siya. Yummm.

Sayang, wala akong camera kaya walang photo ang chicharon. Kaya ikkwento ko na lang.

Di gaya ng mga chicharon na nakikita ko sa Metro Manila, ang chicharon nila ay siksik, hindi puro hangin. Di lang balat, may laman din siya. Malutong, at medyo mainit-init pa nung binili namin kanina. Maalat-alat, at may onti ring anghang. Sabi nga ng binilhan namin, may chili flavor ito.

Sinimulan namin siyang papakin habang pabalik ng Manila. Bawat kagat mo, matunog. Ganun siya kalutong. Pag-uwi ko ng bahay, nagsangag ako. Tapos, kumuha ako ng suka. Para mas masarap pa ang kain, nagkamay na ako, kinuha ang chicharon, at isinawsaw sa suka. Walang tigil ang subo ko ng pagkain. Grabe, ang sarap kumain.

Alam kong Holy Week ngayon. Pero nakakagutom talaga, lalo na't ang aga naming bumyahe, at ang matinong kain lang namin ay agahan at pa-snacks ng barangay. 2pm na rin kami nakabalik ng Manila. Kaya bukod sa inaantok na, nakaramdam na rin ako ng gutom.

Dumaan din kami sa Our Lady of Lourdes Grotto sa San Jose del Monte. Pinuntahan namin yung lugar kung saan raw nagpakita ang Our Lady of Lourdes, pati na rin ang bukal na tinuturing na banal na tubig ng marami.

Hay, ang perks ng fieldwork--pagkain at pasyal. At maraming kwento. Shempre may konting lessons na rin sa geography along the way.

------
P.S. Ang pangalan pala ng chicharon ay Obet's. Nakatikim rin kasi ako ng iba pang chicharon sa Sta. Maria, pero di kasingsarap nito. Promise, wala akong commission dito.

P.P.S. Nakabili ulit kami ng chicharon na ito, at this time, nakunan ko na ng picture!!



No comments:

Post a Comment